Sunday, October 11, 2015


Dilaan ang hinlalaki upang mabasa ito ng iyong laway pagkatapos ay ipunas sa tiyan o kung saang parte ng katawan ng tao mo ito trip na ipunas...

Pwera usog..

Kadalasan itong ginagawa sa probinsya. Pero may mangilan-ngilan din dito sa Maynila ang gumagawa pa rin nito. Sinasabi ng mga matatanda na bago mo raw purihin ang isang tao ay dapat gawin mo muna ito sa kadahilanang baka mausog mo raw sila.

Kapag nauusog daw ang isang tao, ito raw ay nakararamdam ng biglaang pagsama ng pakiramdam. Nagsusuka at nahihilo. Ang tanging makagagamot lamang daw dito ay ang laway ng kung sino mang naka-usog dito. At kung hindi naman malaman kung sino ang nakausog ay maaari ring pakuluan ang damit. Pagkatapos gawin ang mga ito ay makararamdam na agad ng kaginhawaan ang biktima.

Biktima, nabiktima mo ako nang sabihin mong ako lang at wala ng iba. Nabiktima mo ako noong naguumapaw ang pagmamahal ko sa iyo pero ang tanging ginawa mo lang ay lokohin ako. Nabiktima mo ako nang sabihin mong mahal mo ako pero ang totoo pala, siya ang mahal mo at hindi ako.

Hindi ako, hindi ako ang nawalan.  Araw-araw, gabi-gabi, segu-segundo, minu-minuto, oras-oras, buwan-buwan pinipilit kong ipaintindi sa sarili ko na hindi ako ang nawalan. Pero bakit? Bakit sa tuwing nakikita ko kayo.. pakiramdam ko kulang ako...

Kulang ako, kulang ako kasi halos buong pagkatao ko ibinigay ko sa iyo. Gusto ko mang kunin ito pero hindi na kita ma-contact. Laging cannot be reach ang telepono mo. Tumpak ang hula ko. Busy ka sa kanya. Ni minsan hindi ka nagkaganyan sa akin. Naiinggit ako.

Naiinggit ako, naiinggit  ako dahil siya ang nakabuo sa’yo. Na kahit ibinigay ko lahat, kulang pa rin pala sa’yo.

Pwera usog...

Didilaan ko ang hinlalaki ko...

Para mabasa ito ng laway ko sabay ipupunas ko ito sa ulo mo...

Hindi bale ng amoy laway ka araw-araw... 

Huwag ka lamang mausog...


Mausog papunta sa kanya...